Dumagsa ang mga interesadong Local Government Units (LGU’s) na nagpahayag ng pagnanais na maging host sa pampamilya at pangkomunidad na grassroots sports development program ng Philippine Sports Commission (PSC) Laro’t Saya sa Parke PLAY ‘N LEARN.

Napag-alaman kay PSC Research and Planning chief Dr. Lauro Domingo Jr. na nag-uumapaw ang kahilingan mula sa iba’t ibang LGU’s na kanilang natatangap para maging bahagi ng programa.

“We are just waiting for the decision of the PSC Board,” sabi ni Domingo Jr.

“Medyo nasa transition stage pa lang kasi ang PSC Board but with the agency’s focus now directly on grassroots sports development, madali natin na maisasagawa ang pagiimplement ng program sa mga LGU’s,” aniya.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nakatuon ang programa sa pagbibigay ng venue sa mga batang atleta at sports enthusiast para sa kanilang nais na lahukang sports.

Samantala, umabot sa kabuuang 508 ang sumali sa Laro’t Saya nitong Linggo sa Luneta partikular sa arnis (7), badminton (76), chess (45), football (45), karatedo (20), lawn tennis (21), volleyball (10), senior citizens (10) at Zumba 274. May 456 ang nakiisa sa Quezon City Circle sa badminton (5), chess (48), football (15), volleyball (7), at Zumba (381).

Una nang isinagawa ang Laro’t-Saya sa Iloilo City sa harap ng City Hall, Davao City People’s Park, Bacolod City Plaza, Liwasang Aguinaldo sa Kawit, Cavite, Plaza Sugbu sa Cebu City, Pastrana Park sa Aklan Province, Baguio City Burnham Park, Tagum City E-Park, Vigan City Plaza Burgos, San Carlo City Park, Pinaglabanan Shrine sa San Juan City, Quezon Memorial Park sa Quezon City at pinakaunang pinagganap na Burnham Green sa Luneta Park. (Angie Oredo)