Sinundan ng Philippine women’s chess team ang matikas na panimula nang silatin ang No. 4 seed Georgia, 2 ½-1 ½ , habang nabigo ang men’s team sa ikalawang araw ng isinasagawang 42nd World Chess Olympiad sa Baku, Azerbaijan.

Naitarak ng 46th seed Pinay squad ang isa sa pinakamalaking upset sa kasalukuyan para maisalba ang kampanya ng Team Philippines na tinamaan ng kabiguan ang men’s counterpart kontra sa No.39 Paraguay, 1 ½ - 2 ½.

Nakipagtabla ang WGM candidate na si Janelle Mae Frayna (2281) kontra kay Grandmaster Nana Dzagnidze (2522) sa Board 1 habang itinala ni Jan Jodilyn Fronda ang pinakamaigting na panalo kontra GM Bela Khotenashvili (2463) sa Board 2.

Tanging nabigo sa women’s team ang unrated na si Christy Lamiel Bernales (2065) sa International Master na si Nino Batsiashvili (2474) sa Board 3 bago itinala ni WIM Catherin Secppito (2119) ang isa pang matinding upset sa pagwawagi kontra sa IM na si Salome Melia (2419).

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Gamit ang itim na piyesa, naitulak ni Frayna, na asam ang kanyang ikatlo at huling GM norm, sa paggamit sa Queen’s Gambit opening sa draw, ang laban habang sinandigan ni Fronda ang puting piyesa at Scotch Opening upang talunin sa loob ng 47 moves ang nakatapat na Grandmaster.

Kinailangan naman ni Perena ang kabuuang 58 moves sa Nimzo opening upang itala ang kanyang ikalawang sunod na panalo sa record attendance na torneo na nilahukan ng kabuuang 186 na bansa, Tanging nagwagi para sa men’s team ang nasa rekord na 23 sunod na paglalaro sa torneo na si GM Eugene Torre (2447) matapos biguin si Jose Fernando Cubas sa Board 3 habang nakipaghatian ng puntos sa Board 1 si Julio Catalino Sadorra (2560) para sa 1½ puntos ng koponan.

Nabigo naman sa Board 2 sa GM John Paul Gomez (2492) kontra kay GM Axel Bachmann (2641) at si GM Rogelio Barcenilla (2455) sa Board 4 kontra kay Zenon Franco Ocampos (2496).

Sunod na makakasagupa ng men’s team, na tangan ang kabuuang 5½ puntos sa Board 26, ang seeded 87th na Nigeria na may apat na puntos.

Makakasagupa naman sa Board No. 15 ng 46th seed na Philippine women’s team na bitbit ang 6½ puntos ang 5th seed na India na bitbit ang kabuuang 7 puntos matapos ang dalawang laro.

Nasa ika-29 puwesto sa kasalukuyan ang women’s team habang nahulog sa pangkalahatang ika-50 puwesto ang seeded No. 53 na men’s team dahil sa kabiguan. (Angie Oredo)