SA gitna ng mga paghahanda ng Vatican sa pagdedeklarang santo kay Blessed Mother Teresa kahapon, nagmistulang batik sa kanyang pamana ang mga ulat ng kapabayaang medikal at maanomalyang pangangasiwa sa pondo sa mga institusyong itinatag niya sa siyudad sa India kung saan siya nakilala.

Disyembre ng nakaraang taon nang inaprubahan ni Pope Francis ang canonization sa marahil ay pinakatanyag na madreng Katoliko sa kasaysayan, halos dalawang dekada ang nakalipas makaraang pumanaw siya sa Kolkata, kung saan niya inilaan ang kanyang buhay sa pagtulong at paglilingkod sa mahihirap at may sakit.

Sa kabila nito, hindi naglalaho ang mga puna sa ngayon ay Saint Mother Teresa ng Kolkata, at mismong mga doktor at dating volunteer ang nagbabahagi ng mga nakadidismayang kuwento ng panlilimahid ng mga pasilidad, kapabayaang medikal at sapilitang pagko-convert sa mga naghihingalo.

Isinilang na Agnes Gonxha Bojaxhiu sa mga magulang na Albanian sa ngayon ay Macedonia, ang mga tanggapan ng Missionaries of Charity ni Saint Mother Teresa ay tumanggap ng Nobel Peace Prize at tinawag siyang Saint of the Gutters.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Tinaguriang “living saint”, natiyak ang pagdedeklarang santo sa madre makaraang kilalanin ng Vatican noong 2015 ang ikalawa sa dalawang kinakailangang milagro na iniuugnay sa kanya.

Isang babaeng miyembro ng tribung Bengali na may malalang karamdaman at isang lalaking Brazilian na tinubuan ng napakaraming tumor sa utak ang kapwa nagsabing napagaling sila sa pamamagitan ng pananalangin kay Saint Mother Teresa.

Ngunit iginiit ni Aroup Chatterjee, isang doktor na Briton na isinilang sa siyudad na dating tinatawag na Calcutta, na “her whole emphasis was propagation of her faith at any cost.”

“To convert a dying, unconscious person is very, very low behaviour, very disgusting,” anang 58-anyos na awtor ng kontrobersyal na libro tungkol sa madre na inilathala noong 2003. “Mother Teresa did that on an industrial basis.”

Isa pa sa mga hayagang kritiko ni Saint Mother Teresa, ang yumaong awtor na British na si Christopher Hitchens, ang nag-akusa sa madre ng pagpapalala sa kalagayan ng mahihirap sa pamamagitan ng mariing pagtutol sa pagkokontrol sa pagbubuntis at aborsyon.

Kilalang atheist at gumawa ng pelikula tungkol kay Saint Mother Teresa na “Hell’s Angel” noong 1994, sinabi ni Hitchens na tinanggihan ng madre ang pagbibigay ng pangunahing gamutan sa mga pasyente sa paniniwalang ang labis na pagdurusa sa sakit ay higit na nakapagpapalapit sa tao sa Diyos.

Sinabi ng ilang dating volunteer na ang paniniwalang ito ay malinaw na dumadakila sa pagdurusa at kahirapan at sinisi sa aktuwal na pagdadamot ng kalinga, sa kabila ng milyun-milyong dolyar ang natatangggap na donasyon ng institusyon ng madre.

Kapabayaang medikal naman ang akusasyon ni Hemley Gonzalez, na nagsimula ng sarili niyang NGO sa Kolkata kasunod ng pagbubunyag niya ng mga detalye sa pagiging “modern-day cult” ng institusyon, batay sa personal niyang nasaksihan nang mag-volunteer siya sa Missionaries of Charity walong taon na ang nakalipas.

Aniya, hinuhugasan ng mga madre ng tubig mula sa gripo ang mga karayom na pambakuna bago ito muling gamitin sa ibang pasyente, at napagalitan din umano si Gonzales nang minsang gupitan niya ng buhok ang ilang naghihingalong pasyente, dahil mamamatay din naman umano ang mga ito.

Sa kanyang artikulo noong 2014, idinetalye naman ng mamamahayag na si S. Bedford, na dalawang buwang nag-volunteer sa institusyon sa Kolkata, na: “The squat-style toilets were in a narrow room slick with water, urine and faeces... (many had) to crawl through the mess.”

Sa ngayon, ang Missionaries of Charity ni Saint Mother Teresa ay mayroon nang 758 pasilidad sa 139 na bansa na pinangangasiwaan ng mahigit 5,000 madre.

Gayunman, patuloy na tumatanggi ang institusyon na isapubliko ang mga natatanggap na donasyon at ang gastusin, na nagbunsod ng pagsususpetsa na may anomalya sa pangangasiwa sa malaking pondo nito. (Agence France Presse)