Binaril at napatay ng pulis ang isang lalaki nang mamaril matapos niyang sitahin sa Tondo, Manila, kahapon ng madaling araw.
Ang napatay ay inilarawang nasa edad 30-35, kayumanggi, nakasuot ng maong pants at gray na sando.
Sa imbestigasyon ni SPO2 John Charles Duran, ng Manila Police District (MPD)- Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nangyari ang pamamaril dakong 1:50 ng madaling araw sa harapan ng General Gregorio del Pilar Elementary School sa kahabaan ng Jose Abad Santos Avenue at C.M. Recto Avenue, sa Tondo.
Ayon kay PO2 Erique Alban Jr., nakatalaga sa Padre Algue Police Community Precinct (PCP), nagpapatrulya sila nang mamataan ang suspek sa isang madilim na bahagi ng lugar kaya sinita nila ito.
Bumaba umano sa sasakyan si Alban, nilapitan ang suspek at nagpakilalang pulis nang bigla umanong bumunot ng baril ang suspek at dalawang beses nagpaputok.
Dito na umano napilitan si Alban na barilin ang suspek na naging sanhi ng pagkamatay nito. (Mary Ann Santiago)