“SAAN tayo dadalhin nito? Saan ako kukuha ng bilyun-bilyong piso? Ang aking budget ay limitado lang, kaya pansamantala, kailangang patayin sila.

“Son of a bitch, talagang papatayin kita. Magtapatan tayo. Talagang magpapatayan tayo sa isa’t isa. Hindi ko maipapaliwanag ang kahulugan ng katarungan na patas sa lahat. Ang buhay ay kailaman ay hindi patas.”

Ito ang mga salitang namutawi sa bibig ni Pangulong Digong sa mga kasapi ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa Malacañang noong nakaraang Lunes ng gabi. Kaugnay ito sa sinabi niyang walang salapi ang kanyang administrasyon para gastusan ang rehabilitation program para sa 700,000 gumagamit ng ilegal na droga na sumuko sa pulis. Naitanong tuloy ng pahayagang naglathala ng kanyang salitang ito kung ito ay pag-amin ng Pangulo sa mga nangyaring patayan sa mga umano’y sangkot sa ilegal na droga?

Limitado sa ganitong option ang uri ng operasyong inilunsad ng Pangulo laban sa krimen at ilegal na droga. Kumilos kaagad kasi siya na limitado ang kakayahan ng ekonomiyang minana niya sa mga nauna sa kanya. Walang laman ang kaban ng bayan nang pumasok ang administrasyong Duterte.

Kasi, mula kay dating Pangulong Estrada hanggang kay dating Pangulong Noynoy, sinamantala ng mga nasa gobyerno at ng kanilang mga kaalyadong negosyante ang salaping nararapat sanang ikalat at pakinabangan ng lahat. Sa panahon ni dating Pangulong Gloria, sa pagtakbo niya sa pagkapangulo, ginamit niya ito para siya’y magwagi.

Dahil bawat taon sa loob ng kanyang termino ay may dininig na impeachment complaint laban sa kanya, ipinamudmod niya ang salapi ng bayan sa mga mambabatas upang malusutan ang mga ito.

Nang magwagi si dating Pangulong Noynoy, walang pagbabagong naganap sa kanyang administrasyon. Kung mayroon mang pagbabago ay ang pagkalahad sa mamamayan ng grabeng anomalyang matagal nang ginagawa ng mga pulitiko sa salapi ng bayan. Pinaghati-hatian nila ito bilang pork barrel sa uri ng PDAF at DAP. Hanggang ngayon, ayon kay Sen. Ping Lacson, nakatago sa mga pondong inilaan sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ang PDAF ng mga mambabatas sa 1.3 trilyong budget ng gobyerno sa taong 2017. May pag-uunlad ang ekonomiya na iniulat na naganap sa administrasyong Aquino, pero hindi bumaba ang banga nito sa mga maliliit nating mamamayan. Ang nakinabang dito ay ang iilang mayaman at makapangyarihan, samantalang nanatiling mahirap ang pinakamarami sa mamamayan. Habang yumayaman ang iilan, lalo namang naghihirap ang nakararami.

Ang mga dukhang ito ang inabutan ni Pangulong Digong. Sila iyong nagpayaman sa mga gumagawa ng droga dahil ginawa nilang pantawid-gutom ang pagtutulak ng droga. Kung pinaganda muna sana ng Pangulo bago niya ikinasa ang kampanya laban sa droga, may pagpipilian ang mga dukha: droga o ang hanapbuhay na bigay ng pinaunlad sanang ekonomiya ng Pangulo. Bayaan na ang due process o human rights na kanyang kinabubwisitan. (Ric Valmonte)