SA pagsisimula ng pagdinig ng Korte Suprema sa oral arguments sa usapin kung pahihintulutang mailibing si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos sa Libingan ng mga Bayani, iginiit ni Justice Teresita Leonardo de Castro: “I think it is the name that creates controversy.” Tinutukoy niya ang pangalan ng sementeryo, “Libingan ng mga Bayani.”
Sa nakalipas na 23 taon, ang naembalsamong labi ni dating Pangulong Marcos ay naka-display sa isang refrigerated crypt sa Batac, Ilocos Sur. Pagkatapos ng People Power Revolution noong 1986, nagtungo si Pangulong Marcos kasama ang kanyang pamilya sa Hawaii para sa exile. Matapos siyang pumanaw, iniuwi ang kanyang labi noong 1993.
Hiniling ng pamilya Marcos na mailibing ang dating Pangulo sa Libingan ng mga Bayani, ngunit pinili ng magkakasunod na administrasyon — nina Corazon C. Aquino, Fidel V. Ramos, Joseph E. Estrada, Gloria Macapagal Arroyo, at Benigno S. Aquino III — na panatilihin ang labi sa Batac bilang pagsasaalang-alang na rin sa mariing pagkontra ng iba’t ibang sektor na dumanas ng labis na pagpapahirap noong panahon ng batas militar.
Dahil dito, nanatili sa musoleo sa Batac ang labi ng dating Pangulo, nakalagak na gaya ng labi ni Lenin sa Moscow at ni Mao Tse-tung sa Beijing, at sinasadya ng mga loyalista ng mga Marcos. Ito ay hanggang sa banggitin ni Pangulong Duterte ang pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani noong siya ay nangangampanya pa. Ilang linggo matapos siyang mahalal noong Mayo, opisyal itong inaprubahan ni Pangulong Duterte at pinaghandaan na ng pamilya Marcos ang pagpapalibing sa dating Pangulo sa mismong anibersaryo ng kapanganakan nito sa Setyembre 11. Ngunit naglunsad ng malawakang kilos-protesta sa Luneta at sa iba pang bahagi ng bansa at sunud-sunod ang paghahain ng petisyon laban dito sa Korte Suprema.
Sa pagsisimula ng pagdinig ng kataas-taasang hukuman nitong Miyerkules, maraming usaping legal ang iniharap sa mga petisyon, kabilang ang posibleng paglabag sa Declaration of Policy ng Konstitusyon na nagsasaad na ang estado “values the dignity of every human person and guarantees full respect for human rights” (Article II, Section 11) at nanawagan sa lahat ng institusyong pang-edukasyon “to foster appreciation for the role of national heroes in the historical development of the country” (Article IV, Section 3.2).
Ang huling nabanggit na probisyon ay nakaugnay sa iginigiit ng mga raliyista na ang paglilibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani — Sementeryo para sa mga Bayani ng Pilipinas — ay tuwirang paglabag sa iniaatas ng batas na pagkilala sa mga natatanging kontribusyon ng mga bayani ng bansa.
Isa itong usapin ng pagbibigay-pugay sa ambag ng mga bayani ng bayan na ngayon ay sentro ng kontrobersya. Gaya ng sinabi ni Justice De Castro: Tinututulan ang paglilibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani sa argumento na hindi maituturing na isang bayani ang dating presidente.
Bilang commander- in-chief ng Armed Forces of the Philippines, na kay Pangulong Duterte ang lahat ng karapatan upang pahintulutan ang paglilibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani, na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of National Defense. Mayroong batas, ang Republic Act 289, na nagsasabing maaaring mailibing doon ang mga dating pangulo ng bansa. Tatlo sa mga naging pinuno ng bansa ang nakahimlay doon — sina Elpidio Quirino, Carlos P. Garcia, at Diosdado Macapagal.
Ang pangalang “Libingan ng mga Bayani” ang nasa sentro ng kontrobersya. Sakaling may ibang pangalan ang sementeryong ito ng Sandatahang Lakas — halimbawa’y “Libingan ng Bayan” — wala marahil mga ganitong pagtutol at mas maaliwalas sana ang daang tatahakin ng Korte Suprema sa pagbubuo nito ng makatwiran at legal na desisyon.