Walang dahilan para alisin ang Davao City bilang isa sa satellite venue ng 2019 hosting ng Southeast Asian Games.
Ito ang pahayag ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman William ‘Butch’ Ramirez bilang tugon sa naganap na pagsabog sa public market sa lungsod na nagdulot ng pagkasawi at pagkasugat ng inosenteng mamamayan.
Pinaigting ang seguridad sa Davao City matapos akuin ng teroristang Abu Sayyaf ang naturang pagpapasabog.
“Kasama ang sports community sa pagkondena sa naturang insidente. Kasama rin kami sa panalangin para sa mga apektadong mamamayan,” pahayag ni Ramirez.
“Ngunit, hindi tayo kailangang magpatakot sa ganitong pangyayari at kailangang ituloy natin bilang normal na mamamayan ang mga gawain kabilang na ang sports. Right, now, ang plano naman natin sa Davao City ay mapasama bilang satellite venue,” aniya.
Iginiit ni Ramirez na ang Manila pa rin ang main hub ng quadrennial meet at nakapaloob ito sa letter of intent na ipinadala nila sa SEA Games Federation noong Hulyo.
“We are instructed by President Duterte na tignan ang Davao at karatig lalawigan kung may mga venues tayo para mag-host ng ilang sports. So far, meron tayong nakikita and based sa initial inspection ng ating PSC Team maykailangan lang na renovation sa ilang venue,” sambit ni Ramirez.
‘But still, yung focus naman ng SEAG hosting is Manila,” aniya. (Edwin Rollon)