Magbabalik ang isa sa orihinal na miyembro ng Philippine football Azkals team na si Emelio ‘Chieffy’ Caligdong.

Gayunman, hindi bilang manlalaro kundi bahagi ng coaching staff.

Ito’y matapos kunin ang nagretiro sa national team noong 2014 para makatulong kay Azkals coach Thomas Dooley na maihanda ang team sa international friendly kontra Kyrgyz Republic sa Bishkek.

“Chieffy is there to assist in the field training of the players and perform other tasks as may be assigned by Coach Dooley,” sabi ni Philippine Football Federation general secretary Edwin Gastanes.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nakakuha ang 33-anyos Ilonggo ng C Coaching License noong nagretiro siya at nabinyagan sa coaching sa Green Archers United U-12 team. Nakailang asiste na rin siya sa mga Philippine age group sides at sa GAU bago sumailalim sa head coaching chores para sa national squad sa AFC U14 Festival of Football sa Brunei.

Tinatayang magbibigay ng inspirasyon at karanasan ang presensya ni Caligdong, lalo na mga batang players na nasa lineup, na umalis na kahapon para sa 28-hour journey sa Bishkek via Bangkok at Astana bilang paghahanda sa matchup sa world No. 105 Kyrgyz.

Magsisilbing pagsasanay ng Pinoy booters ang torneo para sa kanilang pagsabak sa 11th Asean Football Federation Suzuki Cup sa Manila sa Nobyembre.

Makakasama naman papunta sa Bishkek ang mga regular na miyembro na sina Amani Aguinaldo, Misagh Bahadoran, Kenshiro Daniels, Patrick Deyto, Neil Etheridge, Kevin Ingreso, Roland Muller, Manny Ott, Iain Ramsay, Daisuke Sato, Martin Steuble, Dennis Villanueva, at sina Phil at James Younghusband.

Babalik din sina Simon Greatwich, Paolo Bugas, at Jovin Bedic habang ipatatawag pa sina Fitch Arboleda at Junior Munoz. (Angie Oredo)