Naglaan ng panibagong P200-milyong pondo si Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada upang matulungan ang 896 barangay ng lungsod sa pagpapalakas ng kanilang seguridad laban sa terorismo.
Ito’y kasunod ng pagpapasabog sa isang night market sa Davao City nitong Biyernes.
Personal na ipinamahagi ni Estrada ang pondo sa 56 na kapitan ng barangay, ang mga pinakahuling nakatanggap ng kanilang budget mula sa pamahalaang lungsod.
“Matindi na naman ang banta ng terorismo tulad ng nangyari sa Davao. Sa anumang emergency, ang barangay ang unang rumeresponde, kaya dapat lang na may sapat silang gamit at pondo para sa kaligtasan ng mga residente,” ani Estrada.
Nitong isang buwan lang ay namahagi rin si Estrada ng P20 milyong pondo sa 50 barangay. Gagamitin ang pondo sa paglalagay ng dagdag seguridad sa barangay, tulad ng mga CCTV at iba pang equipment na magagamit sa crime prevention.
(Mary Ann Santiago)