Nagpatupad ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) ng bagong singil para sa kanilang mail services.

Batay sa bagong registered postage rates na naging epektibo simula Setyembre 1, 2016, ang Intra-Province o pagpapadala ng liham mula sa isang probinsya/lungsod papunta sa parehong probinsya/lungsod ay nagkakahalaga ng P35 kada liham para sa unang 01-50 grams.

Ang Inter-Land, pagpapadala ng liham mula sa isang probinsya papunta sa isa pang probinsya, gamit ang transportasyong panlupa,ay P41 para sa unang 01-50 grams, habang ang Inter-Air, pagpapadala ng liham mula sa isang probinsya papunta sa isa pang probinsya gamit ang transportasyong panghimpapawid, ay P46 para sa unang 01-50 grams ng liham.

Itinakda rin ng PHLPost ang bagong presyo para sa International Registered Mails.

KILALANIN: Sino si Denise Julia na inireklamo ni BJ Pascual?

Kabilang dito ang para sa Zone 1, (mga bansa sa Asya) na umabot na sa P115 para sa unang 01-20 grams at ang Zone 2 (Middle East & Pacific) na P120 para sa unang gramo.

Para sa Zone 3 (Europe, America at US Possesions), P125 ang sisingilin para sa 01-20 grams, at sa Zone 4 (Africa, Central, South America at Caribbean) ay P130 para sa unang 01-20 grams ng liham.

Masisilip ang bagong singil sa registered mails sa lahat ng post office sa bansa at sa PhHLPost website, www.phlpost.gov.ph. (Mary Ann Santiago)