Isa na namang namumuong low pressure area (LPA) ang namataan kahapon sa bahagi ng Batanes.
Sa weather advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang LPA ay huling namataan sa layong 420 kilometro hilagang silangan ng Itbayat, Batanes.
Tinukoy din ng PAGASA na paiigtingin ng LPA ang umiiral na southwest monsoon na magdadala ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan at thunderstorms sa Batanes Group of Islands (BGI).
Nagbabala rin ang ahensya sa mga residente sa tinukoy na mga lugar sa posibleng flashflood at landslide.
Magdudulot naman umano ito ng katamtaman at mahinang pag-ulan sa Ilocos Norte, Apayao at Babuyan Group of Islands.
Nilinaw ng PAGASA, patuloy ang kanilang pagbabantay sa naturang weather system sa posibleng pagbuo nito bilang bagyo.
Kapag tuluyang nabuo, tatawagin itong ‘Ferdie’. (Rommel Tabbad)