CABANATUAN CITY - Pito pa ang nadagdag sa humahabang listahan ng mga biktima ng summary execution sa iba’t ibang lugar sa Nueva Ecija, na hinihinalang may kinalaman sa droga.
Sa ulat kay Senior Supt. Manuel Estareja Cornel, Nueva Ecija Police Provincial Office director, nakilala ang mga biktimang sina Venerando Fajardo Esteban, 49, ng Fajardo Street, Barangay Aduas Sur; Imelda Lapina Cando, 45; at Noelito Abuan Esquivel, kapwa taga-Bgy. Mayapyap; Jerry de Guzman Ramos, 34; Rommel Esguerra Guinto, kapwa tricycle driver at taga-Bgy. Lourdes; at Arnold Macapagal, ng Bgy. Caalibangbangan, pawang sa Cabanatuan City.
Hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng bangkay na natagpuan sa Bgy. Sapang Bato, Gen. Natividad.
Karamihan sa mga biktima ay nakabalot ng packaging tape ang ulo, nakagapos ang mga kamay at paa, may mga tama ng bala ng baril sa katawan, at nakasabit sa leeg ang cardboard na nasusulatan ng “Tulak ako, ‘wag tularan”, o “Magnanakaw, motornapper ako, ‘wag tularan”. (Light A. Nolasco)