Dalawang babae at isang lalaki ang iniimbestigahan ng mga awtoridad, matapos silang ituro ng mga saksi na nag-iwan ng bag na naglalaman ng bombang sumabog sa Davao City.
“We are currently cross-matching signature (of the bomb) and testimonies of the witnesses to the rogues gallery of terror suspects,” ayon kay Philippine National Police Chief, Director General Ronald Dela Rosa.
Noong Sabado, si Dela Rosa at iba pang security officials ay ilang oras umanong nakipagpulong kay Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan inilahad ang diskarte sa imbestigasyon ng pulisya, gayundin ang mga hakbang kung papaano maiiwasan ang kahalintulad na pag-atake.
“Expected natin na galit pa rin, galit sa pangyayari. ‘Pag siya’y galit talaga pinapakita niya sa siya’y naiinis, siya’y nagagalit. Hindi ko na kailangan pang sabihin ang mga detalye,” ayon kay Dela Rosa.
Gayunpaman, hindi naman umano galit sa security officials ang Pangulo dahil batid niya na kahit makapangyarihang bansa ay nalulusutan ng mga terorista.
Hindi laging swerte
Ang Davao blast ay inako ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG), at kung nagtagumpay sila sa Davao noong Biyernes ng gabi, sinabi ni Dela Rosa na magbabayad ang mga ito.
“There’s a time for them, and there will be a time for us. They will not be lucky every time, there will come a time that we will be lucky against them,” ayon pa sa PNP chief.
Laging handa
Matapos ang Davao attack, sinabi ni Dela Rosa na nakaalerto na ang mga siyudad na posibleng target ng ASG.
“With what happened to Davao City, all cities must be prepared now,” dagdag pa ni Dela Rosa.
“We don’t want to be panicky but we want to make sure that we are prepared so that they will not be given the chance to strike again,” sabi pa nito.
Sa Metro Manila na posibleng target din, nakaalerto na ang National Capital Region Police Office, kung saan mahigpit na binabantayan ang mga matataong lugar.
Lahat gustong tumulong
Sa Senado, hinimok ni Senate Minority Leader Ralph Recto si Pangulong Duterte na pulungin ang National Security Council (NSC) upang makabuo ng plano kung paano mapulbos ang bandidong Abu Sayaff Group (ASG).
Aniya bukod sa NSC, pwede din pulungin ang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
“Everybody wants to help. This is not the time to point fingers but to offer a helping hand,” ani Recto.
(Aaron Recuenco, Fer Taboy, Leonel Abasola at Beth Camia)