Hindi na nakapasok sa trabaho ang dalawang barangay tanod matapos tambangan at pagbabarilin ng tatlong ‘di kilalang armado habang naglalakad patungong barangay hall sa Port Area, Manila, iniulat kahapon.
Dead on the spot si Rogelio Quitalig, 40, dahil sa mga tinamong tama ng bala sa ulo, tiyan at likod, habang sinubukan pang isalba ang buhay ni Sergio Osuya, 20, nagtamo ng tama ng bala sa ulo at katawan, ngunit huli na ang lahat.
Sa report ni SPO1 Bernardo Cayabyab kay Police Sr. Insp. Rommel Anicete, hepe ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 7:30 ng gabi nangyari ang pananambang at pamamaril sa Block 5 Extension, malapit sa Corazon Aquino High School, sa Baseco Compound, Port Area.
Kagagaling lamang umano ng mga biktima sa kanilang bahay sa Block 1, Dubai, Baseco Compound, Port Area, at naglalakad upang pumasok sa trabaho sa Barangay 649, Zone 68, District 5, nang bigla silang harangin ng tatlong ‘di kilalang suspek at pinagbabaril. (Mary Ann Santiago)