Inaasahan ang pagdating kahapon sa bansa ng 119 overseas Filipino worker (OFW) na nawalan ng trabaho sa Saudi Arabia dahil sa labor crisis at pagmura ng presyo ng langis.
Sa ulat na natanggap ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Embahada ng Pilipinas sa Riyadh, dakong 4:10 ng hapon kahapon inasahang darating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang grupo ng mga Pinoy sakay ng Saudi Arabian Airlines flight HD860.
Nakatakda silang salubungin ni DFA Undersecretary Jesus Yabes at ng kinatawan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Repatriation Team upang alalayan sa pagsasaayos ng kanilang mga dokumento sa immigration office ng paliparan.
Ang mga umuwing OFW ay pawang manggagawa ng Saudi Oger Company. Sinagot ng Saudi government ang tiket nila.
Unang silang inasikaso ng mga opisyal ng Embahada ng Pilipinas at POLO-OWWA sa pamumuno ni 1st Secretary at Consul General Iric Arribas sa departure area ng King Khalid International Airport sa Saudi Arabia.
Sa datos ng DFA, umaabot sa 10,000 OFW ang nawalan ng hanapbuhay sa Saudi Arabia. (Bella Gamotea)