SINIGURO ng Department of Health (DoH) nitong Biyernes na walang kaso ng Zika virus sa ating bansa sa kabila ng pagtaas ng kaso sa Singapore, iniulat ng Philippines News Agency (PNA).
Sa press briefing na isinagawa sa DOH media relations unit sa Sta. Cruz, Tayuman, Manila, sinabi ni DoH Secretary Dr. Paulyn Jean B. Rosell-Ubial na patuloy ang pakikipagtulungan ng tanggapan sa Bureau of Quarantine sa pagmo-monitor ng mga dumadating na pasahero.
“We are not doing random testing so far because don’t want to waste the resources …So far using that system (Polymerase Chain Reaction (PRC) test we have not detected local transmission,” pahayag ni Ubial.
Sa ilalim ng PCR test, sinusuri ang mga blood sample ng mga taong may sintomas ng nasabing sakit gaya ng mataas na lagnat, pananakit ng katawan, pagsusuka at pamumula ng mata at pagkakaroon ng rashes.
Ayon kay Ubial, aabot na sa limang kaso ng Zika ang naitala sa bansa ngunit nagkahawahan ang mga biktima sa ibang bansa at hindi rito sa Pilipinas.
Kabilang sa limang kaso, isa ay isang Filipino (sa Cebu noong 2012) habang ang apat na natira ay pawang mga banyaga.
Samantala, sinabi ni Bureau of Customs (BoC) Director III Ferchito Avelino na patuloy pa ring hinihikayat ng kanilang tanggapan ang mga dumarating na pasahero na sagutan ang yellow form o health declaration nang may buong katapatan.
Sinabi rin niya na may nakakabit na thermal scanners sa paliparan upang ma-detect ang temperature ng mga dumadating na biyahero bilang bahagi ng mahigpit na monitoring.
Nagbigay din umano sila ng travel tips para sa mga biyahero mula sa mga bansang apektado ng Zika na sanayin ang safe sex.
Inabisuhan din umano nila ang mga biyahero na agad kumonsulta sa DoH referral hospital sakaling nakitaan ng sintomas ang sarili o tawagan ang DoH sa 711-1001 at 711-1002 .
Maging ang Hotline 8888 ay maaaring magamit upang mag-report sa DoH kaugnay sa kaso ng Zika.
Ang incubation period ay aabot sa pito hanggang 14 na araw o hanggang dalawang linggo.
Samantala, sinabi ng DoH na mas malala pa rin ang dengue kumpara sa Zika virus.