Isang lalaki na umano’y tulak ng ilegal na droga, na nasa loob ng bahay ng kanyang kaibigan, ang pinagbabaril at napatay ng pinaghihinalaang vigilantes nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang napatay na si Mark Ocampo, 33, ng Barangay Bagong Silang, Caloocan City.
Lumalabas sa imbestigasyon na si Ocampo ay nasa loob ng bahay ng kanyang kaibigan, si Don-don Dizon sa Barangay Bagong Silang nang sumulpot ang apat na armado na pawang nakasuot ng bonnet dakong 7:30 ng gabi.
Ayon sa mga saksi, pinilit umanong buksan ng apat na suspek ang pintuan ng bahay ni Dizon. At makalipas ang ilang minuto ay narinig na ang sunud-sunod na putok ng baril.
Ayon sa asawa ni Ocampo, si Rowena, pinakiusapan na niya ang kanyang asawa na huminto sa pagtutulak ng ilegal na droga ngunit hindi umano ito nakinig. (Jel Santos)