Pinagpapaliwanag ng Supreme Court ang pamunuan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) hinggil sa hindi nito naibigay na dapat na 5 porsiyento na kabuuan nitong kita patungo sa pondo para sa sports ng Philippine Sports Commission (PSC).

Ito ang sinabi ni dating Pampanga 1st District Rep. Yeng Guiao sa isinagawang Top-Level Consultative Meeting noong Biyernes kung saan ipinaalam din nito na binigyan lamang ng SC ang PAGCOR ng 15 araw upang ipaliwanag ang dahilan sa hindi nito pagbibigay sa pondo.

“By this time, meron na sila (PAGCOR) na dapat na reply sa order ng Supreme Court,” sabi ni Guiao, na siya mismong nagsampa ng petisyon para kumpletong makuha ng PSC ang remittance base sa nakasaad sa Republic Act 6847.

“Madalas po sa mga hearing natin na ang laging lumilitaw na problem ay ang kawalan ng pondo, kung kaya po kami na mismo ng nagsampa ng petisyon para makuha talaga ang dapat pondong itinakda ng batas para magamit sa sport,” sabi ni Guiao.

Another gold! Hidilyn Diaz, isa nang guro sa UP Diliman

Umaasa naman si Guiao na makakakuha ng paborableng desisyon mula sa Supreme Court hinggil sa dapat na makamit ng PSC na 5% ng gross income ng PAGCOR.

Sakaling makuha ang paborableng desisyon mula sa Korte Suprema ay inaasahang matatanggap ng PSC ang pondong R10 bilyon.

“Malaking tulong sa grassroots sports development at pati na rin pagsasanay at partisipasyon ng mga national athletes sa regional at international events kung maibibigay sa PSC ang buong five percent remittance mula sa PAGCOR,” sabi ni Guiao.

Gayunman, imbes na 5% ng gross income ay 2.3% lamang ang ibinibigay ng PAGCOR sa PSC simula noong 1993. (ANGIE OREDO)