Umaasa ang pamunuan ng Philippine Rugby Football Union na makakasali na sa regular na sports na paglalabanan sa susunod na taong Palarong Pambansa ang iba’t ibang event ng rugby football.

Ito ang isinawalat ni PRFU Director Matt Cullen matapos naman ang pitong batang manlalaro nito mula sa national development team ang nakaakyat sa Philippine U19 Junior Volcanoes na sasagupa sa Division 1 Asia Rugby Championships na isasagawa sa bansa sa Disyembre.

Sinabi ni Cullen na malaki ang maitutulong ng pagsali sa sports sa Palarong Pambansa dahil mas dadami ang talento at mga kabataang atleta na mapagpipiliian nito para sa pambansang koponan.

Ang pag-angat sa pito ay base sa kanilang ipinakita sa dalawang laban na international rugby series kontra Hong Kong U19 Chinese development team kamakailan.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Makakasagupa ng U19 Volcanoes ang mga koponan mula Korea, Singapore, at United Arab Emirates simula sa Disyembre 13 hanggang 17 kung saan ang magwawagi ay uusad sa Asian U19’s Premier Division.

Isinasantabi naman ni Coach Carlito Abono ang naging resulta ng dalawang exhibition match kontra Hong Kong at nakatuon na lamang sa naging paglalaro ng koponan na nasa national development team.

“Hindi na namin tinitingnan kung sino ang nanalo, kundi yung development mismo ng players at team,” sabi ni Abono.

Asam din ni Cullen ipagpatuloy ang nagawa ng PRFU na naghanap ng pondo at kumuha ng 15 players mula sa Bahay Bata Foundation para maglaro ng rugby sa UK. Mula sa isinamang 15, lima dito ang kasama na sa national team.

“We try to build local athletes who will eventually take over the place of Fil-Am players,” sabi ni Cullen, base sa direksiyon ng PRFU na makahanap ng manlalaro sa grassroots level. “We employ and bring back people to the field.”

Asam nito na ang mga miyembro ng U19 team ay makasali sa men at women’s national squads.

Ang men’s team ang defending rugby champion sa Southeast Asian Games at umaasa si Cullen na kaya ng mga Pilipino na mapanatili ang gintong medalya sa 2017 edisyon ng kada dalawang taong torneo.

Iniuwi ng women’s side ang tanso sa SEA Games subalit hindi nito inaasahang makakamit ang ginto.

“They will win the silver. But winning the gold is tough,” sabi nito. (Angie Oredo)