Mga laro ngayon

( MOA Arena)

4:30 pm Rain or Shine vs.NLEX.

6:45 pm Meralco vs Star

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Tumatag ang kapit sa ikaapat na puwesto at maka-agwat sa mga koponang bumubuntot sa kanila ang tatangkain ngayong hapon ng Meralco sa pagtutuos nila ng patuloy na bumubulusok paibaba na Star sa pagpapatuloy ng 2016 PBA Governors Cup sa MOA Arena sa Pasay City.

Taglay ang kartadang 5-4 panalo-talo, sasagupain ng Bolts ang Hotshots na mayroon pa lamang isang panalo sa walong laro sa ganap na 6:45 ngayong gabi matapos ang unang salpukan sa ganap na 4:30 ng hapon sa pagitan ng Rain or Shine at NLEX.

Inaasahan ang pagbangon ng Bolts sa pamumuno ni import Allen Durham mula sa natamong kabiguan sa kamay ng Phoenix sa nakaraan nilang laban.

Mauuna rito, magsisikap naman ang Rain or Shine na dugtungan ang naiposteng panalo kontra Mahindra Biyernes ng gabi.

Umaasa si coach Yeng Guiao na makakapag-jell kaagad sa bagong import na si Jason Forte, dating import ng Alaska na last minute replacement sa napiling si Greg Smith na dapat ipapalit sa pinauwing unang import na si Dior Lowhorn.

Sa kabilang dako, magkukumahog naman makabalik sa winning track ang NLEX upang makaangat mula sa kinalalagyang 3-way tie sa ikaanim na posisyon hawak ang barahang 3-5 panalo- talo.

Manggagaling ang RoadWarriors sa 91-95 overtime na kabiguan sa kamay ng Phoenix. (Marivic awitan)