NEW YORK (AP) — Nagpakatatag si second-seeded Andy Murray para maisalba ang laro sa third-round ng US Open nitong Sabado (Linggo sa Manila) at masigurong may dalawang Briton na sasabak sa Final 16 sa kauna-unahang pagkakataon sa Open era.
Nangailangan si Murray ng lakas at suwerte para maigupo ang 40th seed na si Paolo Lorenzi ng Italy, 7-6 (4), 5-7, 6-2, 6-3.
Makakasama ni Murray sa susunod na round ang kababayang si Kyle Edmund sa Flushing Meadows.
Ang huling pagkakataon na may dalawang Briton sa fourth round ng Grand Slam tournament ay noong 2002 Wimbledon sa katauhan nina Tim Henman at Greg Rusedski.
Makakaharap ni Murray si 22nd-seeded Grigor Dimitrov, nagwagi kontra Joao Sousa, 6-4, 6-1, 3-6, 6-2.
Nakausad din si Stan Wawrinka, two-time major champion at seeded No. 3, nang gapiin ang ika-64 na si Dan Evans, 4-6, 6-3, 6-7 (6), 7-6 (8), 6-2.
Nabigo si Evans na makagawa ng kasaysayan na maging ikatlong Briton na makasampa sa Final 16 sa US Open.
Patuloy naman ang ratsada ni Juan Martin del Potro mula sa mahigit dalawang taong pamamahinga.
Ginapi ni Del Potro, 2009 champion, si 11th-seeded David Ferrer, 7-6 (3), 6-2, 6-3.
“This crowd, this stadium, this atmosphere is incredible. You make me happy every day,” pahayag ni Del Potro, agaw-atensiyon din sa Rio Olympics kung saan tinalo niya sina Novak Djokovic at Rafael Nadal, bago natalo kay Andy Murry sa gold medal match.
Makakaharap niya sa round of 16 si 8th seeded Dominic Thiem.