MGA Kapanalig, magandang balita ang pagkakalagda sa isang kasunduan sa pagitan ng pamahalaang Pilipinas at ng Communist Party of the Philippines at National Democratic Front (CPP-NDF) noong nakaraang linggo. Ito’y matapos ang limang araw na panimulang “peace talks” na ginanap sa Norway. Sa nasabing kasunduan, magkakaroon ng “indefinite ceasefire” o tigil-putukan sa pagitan ng puwersa ng gobyerno at ng armadong sangay ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Ito na kaya ang simula ng pagtatapos ng tinaguriang pinakamahabang digmaan sa Asya? Sa loob ng halos limang dekada, hindi bababa sa 40,000 katao ang nasawi, kapwa mula sa hanay ng militar na tumutugis sa mga komunista at grupong gerilya na nagsusulong ng rebolusyonaryong pagbabago.

Nakapaloob sa ceasefire agreement ang itinakdang panahon para sa mga pag-uusap kaugnay sa mga reporma sa ating bansa sa larangan ng pulitika at ekonomiya, gayundin ang mga pagbabago sa ating Konstitusyon. Inilatag din sa kasunduan ang pagpapalaya sa mga political prisoners. Ang ikalawang pag-uusap ay magaganap sa Oktubre ngayong taon.

Mga Kapanalig, tagumpay na maituturing ang pag-usad ng pag-uusap sa pagitan ng ating pamahalaan at ng CPP-NDF.

Inaasahang magiging kahalintulad nito ang prosesong pinagdaanan ng peace talks sa pagitan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF) na may binuong Comprehensive Agreement on the Bangsamoro na kinikilala at sinusunod ng bawat partido.

Ngunit may kasabihang “peace is not just the absence of war.” Ang kapayapaan ay hindi lamang ang kawalan ng digmaan.

Hindi natatapos ang digmaan sa pagkakaroon ng pansamantalang tigil-putukan. Ang tunay na kapayapaan ay makakamit kung nagpapatuloy ang mga dahilan sa likod ng ‘di pagkakasundo ng mga tao at ng pagpili sa karahasan para isulong ang interes o prinsipyo ng isang grupo. At marahil, ang pinakaunang dahilan na papasok sa ating isip ay ang kawalan ng katarungan sa ating bayan.

Hindi natin maitatangging namamayani pa rin ng interes ng mga makapangyarihan sa lipunan habang ang mga mahihina at mahihirap ay nananatili sa laylayan ng lipunan. Ngunit nagbabago ang ating lipunan, nagbabago ang mga kaisipan at pananaw ng mga tao, nagbabago ang ating mundo. Ang isyu ay hindi lamang tungkol sa mga nasa tuktok ng tatsulok na nang-aapi sa mga nasa ilalim nila. Ang hamon ay lawakan ang pagtingin sa kalagayan ng ating bayan at alamin ang mga humahadlang sa tunay na kapayapaan.

Gawin nating gabay ang encyclical ni St. John Paul II na Sollicitudo Rei Socialis, partikular na ang pagkakaisa.

Mayroong pagkakaisa kung ang bawat kasapi ng isang lipunan ay itinuturing ang kanyang kapwa bilang tao—taong may dignidad, taong likas na mabuti. Mayroong pagkakaisa kung nagtutulungan ang lahat na iangat ang mga naiiwan ng kaunlaran, kung ang pinaiiral natin ay ang kapakanan ng lahat at hindi ang mga makasariling interes. Tinutulungan tayo ng prinsipyo ng pagkakaisa na ituring ang ibang tao, grupo, o bayan, hindi bilang mga instrumentong maaaring abusuhin at itapon na lamang kapag wala nang silbi. Ang pagkakaisa po ay tungkol sa ating pagiging kapwa sa iba, sa pagiging kapitbahay na handang tulungan ang mga nangangailangan, at walang iniiwanan.

Sumainyo ang katotohanan. (Fr. Anton Pascual)