Sa sunud-sunod na kalabog at malalakas na pagkatok ginising ng tatlong armado ang isang construction worker na kanilang pinagbabaril at napatay sa Port Area, Manila, kahapon ng madaling araw.

Dahil sa tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan, agad namatay si Mads Ambang, 38, binata, ng Block 9 Extension, Baseco Compound, Port Area, Manila.

Ayon kay PO3 Dennis Turla, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nangyari ang pamamaril dakong 2:00 ng madaling araw sa mismong tahanan ng biktima.

Nabatid na mahimbing nang natutulog ang biktima at kanyang mga kaanak nang marinig ang mga kalabog at malalakas na katok.

Probinsya

Mga nasawi sa Binaliw landslide, higit 20 na; ‘Day of Mourning,’ idineklara sa Cebu City

Bumangon umano ang biktima at binuksan ang pintuan upang alamin kung sino ang kumakatok at tanungin kung ano ang kailangan ng mga ito.

Gayunman, bago pa man makapagtanong ay bigla na siyang pinagbabaril ng mga suspek at mabilis na nagsitakas.

Ayon kay Turla, nakarating sa kanila ang impormasyon na gumagamit umano ng ilegal na droga ang biktima ngunit hindi ito kabilang sa mga bahay na kinatok ng mga pulis sa isinagawang “Oplan Tokhang” at hindi rin umano sumuko sa pulisya.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Mary Ann Santiago)