Handang-handa na ang knockout artist na si Reymart “Assassin” Gaballo sa tangka nitong makamit na unang korona sa laban nito kontra Manot Comput ng Thailand sa bakbakang gaganapin sa Tupi Municipal Gym, South Cotabato sa darating na Setyembre 10.

Para sa manager at promoter ng 20–anyos na si Gaballo, malaki ang kalamangan nito sa Thai fighter na lumalaban sa alyas na Yodpichai Sithsaithong.

Tubong General Santos City si Gaballo na umaasang susunod sa yapak ng kababayang si eight-division world champion Manny Pacquiao.

Nilinaw ni Sanman Promotions big boss Jim Claude Manangquil na lalaban si Gaballo para sa bakanteng World Boxing Council (WBC) Asian Boxing Council junior featherweight title na titiyak sa pagpasok ng Pinoy boxer sa world rankings kung impresibong mananalo sa Thai boxer.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Gaballo has a big upside which is something you have to be born with and that is power,” pagmamalaki ni Manangquil sa Philboxing.com dulot ng panalo ni Gaballo sa huling pitong laban nito sa pamamagitan ng knockouts.

Kabilang sa pinatulog ni Gaballo (14-0, 12 knockout) ang beteranong si Jilo Merlin sa bisa ng 4th round knockout sa laban nila nito lamang Hunyo 26 sa Gaisano Mall sa General Santos City.

“Nasasabik na akong makitang nakasuot ang WBC belt sa akin,” pahayag naman ni Gaballo.

Kinilala rin ng Philippine Games and Amusements Board si Gaballo bilang No. 1 contender sa super flyweight division samantalang rated No. 4 siya ng WBC Asian Boxing Council.

Samantala, hawak naman ng 33 anyos na Manot ang 12-13-0 win-loss-draw rekord kasama ang 6 knockouts. (Gilbert Espena)