ESPESYAL ang unang araw ng Setyembre para sa maraming Pilipino na itinuturing ito na simula ng mahabang panahon ng Pasko sa Pilipinas. Inaabangan na ang pagpapatugtog sa radyo ng mga awiting Pamasko, kahit na sadyang maaga pa, ngunit sinasalubong ito ng mga Pilipino nang may ngiti. Dahil na rin, ito ang Pilipinas at malapit sa ating mga puso ang Pasko.
Gayunman, hindi masyadong dama ang diwa ng kapaskuhan dahil na rin sa masasalimuot na balitang bumubulaga sa atin araw-araw. Malaking balita nitong Miyerkules ang pagpaslang ng Abu Sayyaf sa 15 sundalo sa Sulu, at nangangamba ang mga opisyal ng militar na maaaring magsagawa ng mga pag-atake ang grupo sa matataong lugar sa bansa bilang diversionary tactic. Ito rin ang kaparehong grupo na namugot sa ulo ng mga bihag nito, maging ng mga nakakaaway sa labanan.
Ang krisis sa Sulu ang huli sa ilang linggo nang pagpatay sa dating mapapayapang lugar—sa mga paliparan gaya sa Caticlan, Aklan, ang pangunahing daan patungo sa pangunahing pandaigdigang tourist attraction na Boracay; sa mga operasyon ng awtoridad sa iba’t ibang panig ng bansa kapag pumapalag o nanlalaban ang mga aarestuhin; sa mga himpilan ng pulisya kung saan nanlaban umano ang mga nadakip sa mga jail guard; sa mga bahay, mga lansangan, mula sa dulo ng Northern Luzon hanggang sa katimugan ng Mindanao.
May 1,900 na ang napatay sa digmaan laban sa droga, karamihan ay walang natukoy na suspek, kaya naman may pangamba mula sa iba’t ibang panig ng mundo na nagkakaroon ng mga paglabag sa karapatang pantao. Napaulat na naghahanda si United States President Barack Obama upang makausap si Pangulong Duterte sa mga usaping ito sa kapwa nila pagdalo sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit sa Vientiane, Laos, sa huling bahagi ng linggong ito.
Samantala, sa larangan ng pulitika, ang imbestigasyon ng Senado, na pinamumunuan ni Sen. Leila de Lima, sa kampanya laban sa droga ay agad na susundan ng kaparehong pagsisiyasat ng Kamara, at mismong ang senadora ang sasalang sa imbestigasyon dahil sa pagiging sentro umano ng “matrix” ng produksiyon ng droga sa National Bilibid Prisons.
Sa araw-araw na ganitong ulat sa media, paano natin masayang sasalubungin ang diwa ng kapaskuhan sa pagsisimula ng “ber” months, gaya ng ating nakaugalian?
Sa kalendaryo ng Simbahan, ang Adbiyento, ang ikaapat na Linggo bago ang Pasko, ay ipinagdiriwang bilang pag-aabang sa pagdating ni Hesukristo. Mayroong diwa ng paghihintay at ng pag-asa. Ang unang Linggo ng Adbiyento, na ngayong taon ay natapat sa Nobyembre 27, ay magiging opisyal na pagsisimula ng panahon ng Pasko. Gayunman, ang Simbang Gabi na nagsisimula ng Disyembre 16, ay higit na prominente sa tradisyong Pilipino, dahil ito ang panahon na ang lahat ng tao sa bansa ay gumigising nang madaling araw upang magtipun-tipon sa simbahan para sa una sa siyam na misa na magtatapos sa bisperas ng Pasko.
Ang unang araw ng Setyembre, ang Linggo ng Adbiyento sa Nobyembre 27, Simbang Gabi sa Disyembre 16 – ang lahat ng ito ay bahagi ng Pasko ng Pilipino. Maaaring hindi pa natin dama ito sa ngayon dahil na rin sa kabi-kabilang problema ng bansa ngunit buo ang ating pag-asa na agarang mapapasaatin ang diwa ng kapaskuhan at magdudulot sa atin ng kasiyahan, kaligayan at kabutihan, gaya ng dati.