Bangkay na nang matagpuan sa hagdanan ng isang bagong gawang day care center ang isang ‘di kilalang lalaki sa Quiapo, Maynila, kahapon ng umaga.
Isa umanong mangangalakal ang biktima na inilarawang nasa edad 50 hanggang 55, may taas na 5’2”, payat at nakasuot ng asul na t-shirt, itim na short pants at walang sapin sa paa.
Ayon kay SPO4 Glenzor Vallejo, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), isang concerned citizen ang nakadiskubre sa bangkay dakong 6:30 ng umaga.
Kaagad umano niyang ipinaalam ito kay Barangay Executive Officer Bobby Amerol, ng Barangay 384, Zone 39, na siyang nag-report sa mga awtoridad.
Ayon kay Amerol, hindi nila alam ang pagkakakilanlan ng biktima, ngunit nakikita nila itong nangangalakal ng basura sa kanilang lugar.
May epilepsy din, aniya, ang biktima at posibleng ito umano ang sanhi ng pagkamatay nito. (Mary Ann Santiago)