Itutuloy ng Commission on Elections (Comelec) ang voters’ registration sakaling maaprubahan ang panukalang pagpapaliban sa 2016 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, nais nilang mabigyan ng pagkakataon ang mga hindi rehistradong botante na makapagpatala upang makaboto sa susunod na halalan.

Nakatakda ang BSKE sa Oktubre 31 ngunit isinusulong ngayon sa Kongreso ang pagpapaliban nito sa Oktubre 23 ng susunod na taon.

Sinabi ni Bautista na hinihintay na lamang nilang malagdaan ang batas na magpapaliban sa halalan, lalo’t siniguro na sa kanya ng mga pinuno ng Kamara at Senado na tiyak na ang pagpapasa dito.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“Kami sa Comelec, we are neutral. Kami ay handa kung ito (BSKE) ay tutuloy, kung ‘di itutuloy, mas maraming oras para makapaghanda. Mabibigyan pa ng pagkakataon ang mga ‘di pa nakarehistro na makapagparehistro pa,” ani Bautista.

Nakatadhana sa Section 8 ng Voters’ Registration Act of 1996 ang sistema ng patuloy na pagrerehistro ng mga botante.

Alinsunod dito, kinakailangan ang personal na pagsusumite ng aplikasyon para sa rehistrasyon ng mga botante araw-araw sa tanggapan ng mga election officer, tuwing office hours, ngunit hindi pinapayagan ang pagpapatala 120-araw bago ang regular na halalan at 90-araw bago ang special election.

Mayroong 54 na milyong botante ang nakarehistro para sa May 2016 National at Local elections habang 3,095,187 ang mga nagpatala para sa Barangay at Sangguniang Kabataan polls. (Mary Ann Santiago)