Buong pagmamalaking ihahandog ng season host University of Santo Tomas ang inihandang mala-Olympics na palabas ngayong hapon sa opening rites ng UAAP Season 79 na may temang "Dare to Dream".
"It will be very simple opening ceremonies this year," ayon kay UAAP Season 79 president Fr. Ermito de Sagon.
Sa ikalawang pagkakataon, muling magdaraos ng outdoor opening ceremony ang liga at inihiwalay ang panimula ng opening event ng basketball tulad noong 2011 nang mag host ang Ateneo at ganapin ang seremonya sa Marikina Sports Complex.
Ngunit, bago ang opening rites na magsisimula sa ganap na 5:30 ng hapon sa Plaza Mayor sa loob ng UST campus sa Manila, magkakaroon ng ballroom dancing competition na magsisimula ng 2:00 ng hapon sa UST Quadricentennial Pavilion Arena.
"We thought we'll try to start it differently. We thought of having the cheerdance to start the season. Ballroom dancing was added to the opening ceremony to make things 'more interesting'," sambit ni De Sagon.
Mararanasan ng mga UAAP athlete ang tradisyunal na “Thomasian Welcome Walk”.
Para makasiguradong hindi maaantala at mapipigil ang seremonya maging sa hindi inaasahang pagbuhos ng ulan, naglagay ang pamunuan ng UST ng translucent covers sa kabuuan ng Plaza Mayor upang maging pananggal.
Samantala, nakatakdang simulan ang aksiyon sa men's basketball bukas ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
(Marivic Awitan)