Pinag-iingat kahapon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang publiko sa posibleng pananamantala ng mga kawatan at iba pang masasamang elemento ngayong “ber” months.
Sinabi ni NCRPO Director, Chief Supt. Oscar Albayalde na karaniwang dumadami ang insidente ng snatching, Budol-Budol, ”Ipit”, “Salisi”, shoplifting sa mall at iba pang katulad nito pagtuntong ng Setyembre.
“Mag-ingat po tayo sa pagdadala ng pera at personal na gamit maging sa pagsakay sa pampasaherong jeep, na madalas umatake ang mga miyembro ng Ipit Gang,” sabi ni Albayalde.
Paliwanag ni Albayalde, hindi lahat ng lugar ay nababantayan o napapatrulyahan ng mga pulis kaya kailangan, aniya, ng pakikiisa ng publiko para sa pansariling pag-iingat; laging maging mapanuri, mapagmatyag at alerto sa bawat oras.
Gayunman tiniyak ng opisyal na magpapatupad ng mas mahigpit na seguridad ang pulisya para sa kaligtasan ng publiko ngayong nagsimula na ang ber months.
Magpapakalat ang NCRPO ng karagdagang pulis sa mga estratehiko at matataong lugar, tulad ng mga jeepney, train at bus terminal, mga shopping mall, mga simbahan, mga paliparan, mga pantalan, at iba pa upang matiyak ang kaligtasan ng publiko. (Bella Gamotea)