Walang dapat masayang na sandali para masiguro ang kahandaan ng atletang Pinoy sa international tournament, kabilang ang Olympics sa Tokyo, Japan sa 2020 kung kaya’t target ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez na masimulan na ang Philippine Sports Institute (PSI) sa Oktubre 1.

Ayon kay Ramirez, buo ang ibinigay na suporta ni pangulong Duterte para maisulong ang komprehensibo at tunay na grassroots sports program na nakapaloob sa PSI.

Sa pagtatapos ng dalawang araw na Top-Level Consultative Meeting on Development Plan for Philippine Sports and Set-up of the Philippine Sports Institute kahapon sa Century Park Sheraton, ipinahayag ni Ramirez ang paglalaan ng P25 milyon kada buwan para mapatakbo ang 10 regional traning center sa bansa.

“We will have 10 regional trainings with focus sports,” sambit ni Ramirez.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ito ay ang Davao City na magiging konsentrasyon ang diving, Dumaguete City na magiging bastion ng archery, Zamboanga City na magiging kampo ng mga weightlifters, Cebu City, Vigan City at Baguio City para sa athletics, Manila at Cebu province sa taekwondo at ang Bacolod at Davao province para sa boxing.

Iginiit ni Ramirez na ang naturang mga sports ang may malaking tsansa para sa mga Pinoy na makasabay sa world-class competition tulad ng Olympics.

“Pero hindi ibig sabihin, pababayaan natin yung ibang sports. Hindi naman, lahat may suportang makukuha sa pamahalaan. Yung talagang may malaking potensyal tayo mas palalakasin pa natin,” aniya.

Hindi lalagpas sa P200 milyon kada taon ang nakukuhang budget ng PSC mula sa Appropriation Act bukod pa sa buwanang remittance ng Philippines Amusement ang Gaming Corporation (Pagcor).

Samantala’y nagpasalamat si Ramirez sa lahat ng mga dumalo sa isinagawang consultative meeting kung saan nalaman ang tunay na kinalalagyan ng sports sa bansa base na rin sa mga naging pahayag ng mga stakeholder.

“It is really on our plan for us to know everything and to realize the situation now,” sabi ni Ramirez. “Sinabi kasi sa amin mismo ng Pangulo na we really have to unite the sports, but I don’t know how. Kaya natin ito isinagawa para malaman natin lahat ang katotohanan.“

“I know may responsibilidad na sarili ang Philippine Olympic Committee habang kami ay kailangan namin sundin naman ang batas. Kapag hindi natin naisaayos, I will no longer stay here, I want to be in private life, I will join and be with my apo,” pahayag ni Ramirez.

“After hearing all, let’s just please come down and talk. I am just Butch, a simple teacher from Davao who wants to help not just by myself and the PSC Board but for all of us. For the country, we can,” aniya. (Angie Oredo)