Natikman ng Pilipinas ang nakadidismayang 8-0 kabiguan sa China para mapatalsik sa labanan sa semifinals ng 11th Baseball Federation of Asia (BFA) Under-18 Baseball Championship nitong Huwebes sa Taichung, Taiwan.

Sinimulan ng Chinese ang pag-iskor nang tatlong runs sa bottom first at pinalawak ang kalamangan sa apat na run sa ikaapat na yugto tungo sa pagtapos sa Group B na may 2-1 karta kasama ang topnotcher Korea (3-0).

Tumapos ang Pinoy batters sa ikatlong puwesto sa round play tangan ang 1-2 karta.

Hataw sina Zhen Bei Bao at Zi Qui Wang para sa China.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Pumalo si Zhen ng tatlong RBIs upang makamit ang dalawang home para sa 2-for-4 clip. Si Zi (2-for-3) ay nagpasok ng dalawang runner at umiskor ng isa.

Nakapagtala lamang ang Pilipinas nang apat na hit kontra China na nagsimula sa top hurler na si Hai Cheng Gong.

Nagbigay din si Hai ng tatlong hits at struck out ang walo sa anim na inning na pagpukol. Nagtamo rin ang mga Pinoy ng limang error.

Sunod na makakasagupa ng Pinoy ang Indonesia at ang Hong Kong para sa asam nito na No. 5 overall.

Ang Japan at host Chinese Taipei naman ang magsasagupa sa semis berths sa Group A. (Angie Oredo)