ISA sa mga naipangako noong election campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte ay ang paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos mula sa pagkakahimlay sa isang refrigerated crypt sa museleo ng mga Marcos sa Batac, Ilocos Norte sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City. Ang katwiran ni Pangulong Duterte, si Marcos ay naging Pangulo ng Pilipinas at naging kawal at bukod dito, ang paglilibing kay dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani ay susi upang mawakasan na ang pagkakahati-hati ng mga Pilipino. Ngayon na ang tamang panahon para kumilos.

Ang planong paglilibing kay dating Pangulong Marcos ay nagbunga agad ng iba’t ibang reaksiyon. Hindi pabor ang ilan sa ating mga kababayan lalo na ang mga naging biktima ng martial law na tumagal ng 14 na taon. Marami ang namatay.

Ang iba pang nabubuhay ay simputi na ng mga bulaklak ng talahib ang kanilang buhok. May nagsabing ang paglilibing kay dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani ay lilikha ng dungis at batik kung saan, sa buong mundo, Pilipinas lamang ang nakagawa na ituring na isang bayani ang isang diktador. Sinikil ang mga pangunahing kalayaan ng mamamayan.                 

Natatandaan ng inyong lingkod noong 1992 ay pinayagan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos na maiuwi ng pamilya ang bangkay ni Marcos. Pumayag ang pamilya na idiretso ang bangkay sa Ilocos Norte. Doon ililibing na may parangal. At kailanman ay hindi dapat ilipat sa Libingan ng mga Bayani. Ang kasunduan ay hindi alam ng publiko. Nabatid lamang noong huling linggo ng Agosto 2016.

Ayon naman kay dating Senate President Nene Pimentel, kung ililibing si dating Pangulong Macos ay tawagin na lamang itong, “Libingan ng mga Bayani at Iba Pa.

Ayon pa sa dating Senate President, bilang isa sa mga biktima ng martial law, si Marcos ay hindi dapat mailibing sa Libingan ng mga Bayani. At bilang dating mambabatas, nanawagan siya sa mga malapit na kaalyado ni Pangulong Duterte na baguhin ang desisyon nito sapagkat tila bingi sa panawagan ng mga tao. (Clemen Bautista)