INAPRUBAHAN na ng Negros Occidental Provincial Board ang P2 milyong pondo para sa dengue prevention at control treatment program ng Provincial Health Office (PHO) nitong Miyerkules, iniulat ng Philippines News Agency (PNA).

Ayon kay Second District Board Member Salvador Escalante, chairman of committee on appropriations, budget, finance, ways and means, kinakailangan ang pondo upang maipatupad ng PHO ang kinakailangang counter measures laban sa nakamamatay na sakit.

Base sa record ng PHO, mula Enero hanggang Agosto 27 ng kasalukuyang taon, aabot na sa 3,431 kaso ng dengue sa probinsiya, 196 porsiyentong mas mataas sa 1,158 kaso na naitala noong nakaraang taon.

Nasa kabuuang 16 ang naitalang namatay sa Negros Occidental at walo naman sa Bacolod City.

Ayon kay Provincial Health Officer Ernell Tumimbang, kahit na umabot na sa epidemic level ang kaso, hindi pa naman ito lubhang nakaaalarma.

“We’re making necessary interventions. If it’s beyond control, even with the conduct of emergency fogging and larvicide treatment, then that’s the time we can declare to prepare for the worst-case scenario,” ani Tumimbang.

Idinagdag niya na ipagpapatuloy nila ang pagsasagawa ng emergency fogging at larvicide treatment sa bansa na may mataas na bilang ng kaso ng dengue.

Ilan sa mga ito ay ang Silay City na may 339; sinundan ng Bago City na may 281; Himamaylan City, 275; Kabankalan City, 247; Cauayan, 246; Isabela, 199; La Carlota City, 149; San Carlos City, 146; at Hinoba-an, 108.

Sa Bacolod, aabot sa 770 kaso ng dengue ang naiulat mula Enero hanggang Agosto 27, at makikitang tumaas ito ng 162.5 porsiyento kumpara noong nakaraang taon, base sa record ng City Health Office (CHO).

Mula Hulyo hanggang Agosto 27, walo ang naitalang namatay, lahat ay mga bata na nasa edad 2 hanggang 10.