Nais ba ninyong makatulong sa pagbibigay ng proteksiyon kay Pangulong Duterte laban sa death threats? Sumali sa neighborhood watch.

Nagpanukala ang Malacañang ng pagbubuo ng “neighborhood watch” hindi lamang para matulungan ang mga komunidad laban sa masasamang elemento kundi maging si Pangulong Duterte laban sa mga nagbabalak na patayin siya.

Ang Presidential Security Group (PSG) ay magbibigay ng “extraordinary steps” para mapangalagaan ang Pangulo ngunit pahahalagahan din ang anumang tulong mula sa publiko, ayon kay Presidential Communications Operations Secretary Martin Andanar.

“Araw-araw namang nakakatanggap ang ating Pangulo ng assassination threat at ito naman ay mimatyagan ng ating Presidential Security Group and of course, malaki din ang tulong ng taumbayan kung tayo ay magsilbing mga neighborhood watch,” sabi ni Andanar sa istasyon ng radyo ng pamahalaan.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Kumbaga, tulungan din natin iyong ating mga kapulisan, dahil alam naman natin na kulang pa rin ng numero ang ating mga pulis kung ikukumpara natin ang dami ng ating populasyon, 104 million,” dagdag pa niya.

Natuklasan ng Philippine National Police (PNP) kamakailan ang balak na pagpatay sa Presidente sa pagkakaaresto sa dalawang miyembro ng isang gun smuggling syndicate sa Bacolod City.

Ibinunyag ng mga suspek na bumili ang kanilang kliyente ng matataas na kalibre ng baril para umano gamitin kay Duterte.

Sinabi ng Malacañang na hindi man lamang nababahala ang Presidente sa murder plot, dahil batid niyang dumami ang kanyang mga kaaway simula nang ilunsad niya ang kampanya laban sa illegal drugs. (Genalyn D. Kabiling)