MALULUHA ka sa nangyayari ngayon sa ating bansa. Kamakailan, laman ng pahayagan ang larawan ni Gng. Mila Falcasantos na nakalugmok sa lupa sa tindi ng hinagpis sa pagkasawi ng kanyang anak na si private first class Jison Falcasantos ng 35th Army Infantry Battalion. Si Jison ay isa sa 15 sundalong napatay sa Patikul, Sulu sa pagkikidigma ng gobyerno laban sa Abu Sayyaf. Ang larawan ng kanyang ina ay siyang larawan din ng mga kamag-anak ng mga namatay ding sundalo.

Sa pag-uulat sa madugong operasyon ng Philippine National Police (PNP) laban sa ilegal na droga, ganito ring larawan ang ipinakikita ng mga telebisyon. Mga magulang, asawa at anak, tulad ni Aling Mila, ay nakalugmok, umiiyak at yakap-yakap ang bangkay ng mga taong pinatay ng pulis dahil sangkot daw sa droga. May mga pulis na ring nagbubuwis ng kanilang buhay.

Sa kabilang dako, ang kahirapan na lumalabas na ugat ng pagkahati-hati ng mamamayan ay hindi naman gaanong napagtutuunan ng pansin ng kanilang mga lider. Napakabilis nilang inaksyunan ang hangarin nilang ipagpaliban ang Barangay at SK elections. Pero, ayaw naman nilang ibasura ngayong bago na ang administrasyon ang Oil Deregulation Law (ODL).

Ang kalayaang ibinigay ng mga pinuno natin sa mga dambuhalang kumpanya ng langis ng mga banyaga, sa pamamagitan ng nasabing batas, ay siyang matagal nang sumasakal sa taumbayan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Dahil sa ODL, malaya ang mga nasabing kumpanya na presyuhan ang kanilang mga produkto ayon sa kanilang pansariling interes. Ibababa o itataas nila ang kanilang presyo nang hindi naaapektuhan ang kanilang tubo. Pero, sa pagtaas ng kanilang presyo, sunud-sunuran ang pagtaas ng presyo ng mga batayang pangangailangan at serbisyo na hindi na rin bababa kahit ibaba nila ng kakapiranggot ang kanilang presyo. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi mabili ng mga mamamayang nasa laylayan ng lipunan ang pangunahing bilihin at serbisyo.

Sa pagdinig ng Kongreso sa P1.3 trilyong budget para sa 2017, ibinunyag ni Sen. Ping Lacson na sa iba’t ibang bahagi nito ay nakatago ang halagang P80 milyon na nakalaan para sa proyekto ng bawat mambabatas. Buhay ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa ibang taguri at itsura. Iba rin sa paraan kung paano pakikinabangan ito ng mga mambabatas. Pero ang sigurado, dito na naman paduduguin ng mga pulitiko ang bayan sa pansarili nilang kapakanan.

Ganito ang mga pinuno natin noon na lumikha ng ekonomiyang nagluwal ng pekeng kaunlaran. Kung ito rin ang magiging uri ng ating ekonomiya, sabi ni Pangulong Digong: “We will really end up killing each other here”. (Ric Valmonte)