TANDISANG ipinahiwatig ng mga alagad ng batas na ang karamihan sa mga inaresto nilang drug pusher at user sa tatlong drug den sa Quezon City ay kabilang sa libu-libong naunang sumuko sa mga awtoridad.

Ibig sabihin, ang mga sugapa sa ipinagbabawal na droga ay mistulang mga daga lamang na nakikipaghabulan at nakikipagtaguan sa mga pulis at sa mismong mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), hayagang binabalewala at pinagtatawanan ang puspusang pakikidigma ng Duterte administration sa drug lord at iba pang protektor ng ilegal na gamot.

Lumilitaw na ang pagsuko ng mga drug addict ay ginagawa lamang lisensiya ng mga ito upang sila ay makapagpatuloy sa kanilang kasuklam-suklam na bisyo; na sumisira hindi lamang sa kanilang sarili kundi sa mga kabataan at sa buong komunidad.

Mismong mga alagad ng batas ang nakatuklas na ang mga sumukong bangag sa gamot ang pasimuno hanggang ngayon sa pagbebenta ng shabu na sinasabing ipinamamahagi ng drug lords at ng pinaghihinalaang mga “ninja” o mga pulis na kakuntsaba ng mga drug user.

Isipin na lamang na nagpapatuloy ang ganitong talamak na paggamit ng droga sa kabila ng libu-libong mga drug suspect na napapatay sa iba’t ibang sulok ng kapuluan; at patuloy pang lumulobo ang bilang ng mga napapaslang, bukod pa rito ang mga naaarestong drug lord at mga sugapa sa gamot.

Maaaring pansamantala lamang, subalit walang alternatibo ang gobyerno kundi madaliin ang pagpapagawa ng mga rehabilitation center sa mga sentro ng populasyon, lalo na sa Metro Manila.

Maliban kung may mga legal na balakid, napapanahon ang paglalaan ng pondo mula sa bilyun-bilyong pisong conditional cash transfer program para sa naturang proyekto. Maaaring kaltasin sa pondo ng CCT ang kakailanganing gugulin basta huwag lamang malalagay sa alanganin ang nakaukol sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) para sa maralitang mga pamilya; ang bahagi nito ay tila ilalaan din sa pangangailangan ng ating mga OFW na dalawang taon na nawalan ng trabaho sa Middle East; madamdamin ang pagsalubong sa kanila ni Presidente Duterte, kasabay ng pangakong magiging bahagi sila ng 4Ps funds.

Marapat ding isaalang-alang kaagad ang pagpapatayo ng mga detention centers sa mga kalapit na isla para naman sa mga naaarestong drug suspect; ang kinapipiitan ng naturang mga bilanggo ay dapat lumuwag upang maiwasan ang pagsisikip na nagiging dahilan ng kamatayan ng ilang preso: sa gayon, maiiwasan ang mga jailbreaks at ang pagbabalik sa dating gawi ng mga sumusukong drug suspect at pusher. (Celo Lagmay)