Hinamon kahapon ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II si Sen. Leila de Lima na magsampa ng kaso laban sa kanya kaugnay ng iginigiit ng senadora na umano’y inimbentong ebidensya laban sa huli sa sinasabing pagkakasangkot sa ilegal na aktibidad sa New Bilibid Prison (NBP).

“She could do what she likes as long as it is within the bounds of the law,” sambit ni Aguirre. “I have nothing to fear.”

Ipinagdiinan ni Aguirre na hindi siya puppet gaya ng kanyang mga pinalitan sa tungkulin na nagpaalipin sa mga nagdaang administrasyon.

Kamakailan lang, binantaan ni De Lima si Aguirre at maging si National Bureau of Investigation (NBI) Director Dante Gierran na magsasampa siya ng kaso laban sa mga ito kaugnay ng umano’y gawa-gawang ebidensya laban sa kanya na may kinalaman sa ilegal na droga.

Metro

Sec. Dizon, tiniyak maiibsan lagpas-taong baha sa Araneta, QC bago ang tag-ulan

Kasalukuyang iniimbestigahan ng DoJ ang dalawang dating staff ni De Lima na sina Jong Caranto at Edna “Bogs” Obuyes, kaugnay ng drug probe laban sa senadora.

Samantala, sa pamamagitan ng sariling Facebook account ay pinabulaanan ni Obuyes ang isyu at sinabing ang mga affidavit na kanyang isinumite ay nagpapahayag na hindi sangkot sa ilegal na droga si De Lima.

“Ang laman ng statement ko po ay puro pagtatanggi na walang katotohanan ang lahat. Pero bakit ang lumalabas ay against Sen. De Lima na ang statement ko?,” nagtataka niyang pahayag. (Jeffrey G. Damicog)