CEBU CITY – Sa kabila ng sorpresang pag-iinspeksiyon sa Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center (CPDRC) kamakailan na nagresulta sa pagkakakumpiska ng pera, droga, at electronic gadgets, ilang preso sa provincial jail ang gumagamit pa rin ng kani-kanilang mobile phone.

Ito ang kinumpirma ni acting CPDRC jail warden Bobby Legaspi matapos na magsuko sa kanya ang mga bilanggo ng kabuuang 184 na mobile phone, nitong Huwebes ng hapon.

Nagsipagsuko ng kani-kanilang cell phone ang mga bilanggo ilang araw bago ibalik ni Cebu Gov. Hilario Davide III ang visiting privilege sa piitan. Sinuspinde ang nasabing prebilehiyo kasunod ng pagkakatuklas ng P4 milyon cash, ilang droga at gadgets mula sa pasilidad noong nakaraang buwan.

Sa Lunes nakatakdang bawiin ng gobernador ang nasabing suspensiyon. (Mars W. Mosqueda, Jr.)

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar