MAKARAANG sabihin sa Chinese ambassador sa Davao City na ang anumang pag-uusap sa pagitan ng Pilipinas at China ay kinakailangang nakabatay sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands, inihayag ni Pangulong Duterte sa pagdiriwang ng National Heroes’ Day sa Libingan ng mga Bayani nitong Lunes na sa ngayon ay “mananatili siyang tahimik” at iiwasang ipagyabang ang desisyon ng arbitral court na pumabor sa Pilipinas.
Ito na marahil ang pinakaakmang posisyon ng Pilipinas sa ngayon. Idineklara na ng China na hindi nito kailanman kinilala ang mga pagdinig sa nasabing kaso at hindi rin kinikilala ang desisyon ng korte na ibinaba noong Hulyo 12.
Sa nasabing desisyon, kinatigan ang Pilipinas sa paninindigan nito laban sa pag-angkin ng China sa halos buong South China Sea batay sa isang nine-dash line ng mapa ng China sa rehiyon na inilathala noong 1947. Sa pasya ng arbitral court, sinabi nito: “China violated Philippine sovereign rights in its exclusive economic zone by interfering with Philippine fishing and petroleum exploration, by constructing artificial islands, and failing to prevent Chinese fishermen from fishing in the economic zone.”
Ngunit hindi kinikilala ng China ang pasyang ito. Kaya naman nang magtungo sa Hong Kong si dating Pangulong Fidel V. Ramos, sa utos ni Pangulong Duterte, noong unang bahagi ng nakalipas na buwan, binigyang-diin niyang bibisitahin niya roon ang ilang kaibigan, hindi ang mga opisyal, at posibleng maglaro sila ng golf. Nakipagpulong siya sa ilang prominenteng Chinese, ngunit walang pormal na napag-usapan, at ang tanging layunin ay ang mapanatili ang mabuting pagkakaibigan ng dalawang bansa. Sa seremonya para sa National Heroes Day, na dinaluhan ng mga miyembro ng Diplomatic Corps, umapela si Pangulong Duterte sa gobyernong Chinese na unawain ang kalagayan ng mga Pilipinong mangingisda na pinagbabawalang pumalaot sa matagal na nilang pinangingisdaan sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc, nasa 210 kilometro mula sa baybayin ng Zambales. Hiniling niya sa China na tratuhin ang mga Pilipino bilang mga kapatid, at hindi mga kaaway.
Nang kapanayamin ng mga mamamahayag makalipas ang ilang oras, sinabi ng Chinese ambassador: “The Filipinos are always in the hearts of the Chinese people. We have been friends and partners and even relatives for over a thousand years.
Despite the troubles we have, we are confident that the friendship will further be deepened and the cooperation will be further enhanced.”
Darating ang panahon na kakailangang mag-usap ng Pilipinas at China tungkol sa desisyon ng Arbitral Tribunal. “But not now,” ayon kay Pangulong Duterte, “it’s not the right time to talk about it.”
Marahil ay ito na nga ang pinakamainam na polisiya sa ngayon. Ngunit kalaunan, sa panahong hindi na ganoon kainit ang tensiyon na idinulot ng desisyon ng arbitral court, at nagkaroon na ng mga positibong pagbabago sa ugnayan ng dalawang bansa, maaari nang talakayin nang pormal ang desisyon para mas mapagtibay pa ang relasyon ng dalawang bansa.