SA kabila ng manaka-nakang suspensiyon ng mga klase bunsod ng matinding pag-ulan at pagbaha, hindi nagbabago ang paninindigan ng mga katulad kong tumututol sa pagbabago ng school calendar–mula Hunyo upang ilipat sa Agosto. Ibig bang sabihin, tatalikuran natin ang isang sistema ng edukasyon na kasing-tanda na ng panahon? Na umiral na noon pa mang magsimulang mag-aral ang ating mga ninuno?

Mababaw ang dahilan ng ilang mambabatas na muling naghain ng panukalang-batas hinggil sa pagbabago ng naturang pagbubukas ng mga klase tuwing buwan ng Agosto.

Sinasabing maiiwasan ang sunud-sunod na suspensiyon ng mga klase dahil sa biglang pagdalaw ng mga kalamidad; matinding pagbaha at bagyo na malimit na nagiging dahilan ng pagkakasakit ng mga mag-aaral at naglalagay sa panganib sa kanilang seguridad dahil sa masamang panahon.

Walang pinipiling araw ang pagbabago ng panahon. Hindi lamang sa Pilipinas nagdudulot ng panganib ang climate change kundi maging sa iba’t ibang panig ng daigdig. Hindi ba’t kahit tag-araw ay binabagyo at binabaha tayo? Mahirap iwasan ang hagupit ng kalikasan lalo kung isasaalang-alang na humigit-kumulang sa 20 bagyo ang nananalasa sa atin taun-taon.

Isa pang mababaw na dahilan ang iminamatuwid ng ilang mambabatas, lalo na ng mga opisyal ng nakalipas na administrasyon; noon nagsimulang umusad ang pagbabago ng school calendar bilang pagtugon sa panawagan na dayuhang mga paaralan na bahagi ng ASEAN Economic Integration.

Nangangahulugan na ang nakaraang administrasyon ay sumunod lamang sa kumpas ng isang dayuhang sistema ng edukasyon na sa aking pananaw ay hindi naman angkop sa mga patakarang umiiral sa ating bansa. Hindi ba maliwanag na umiral dito ang isipang kolonyal na walang ibang sinasanto kung mga dayuhang puwersa?

Maliwanag na ang ganitong panawagan ng mga bansang kasapi ng ASEAN ay hindi gaanong kinakagat, wika nga, ng kinauukulang mga unibersidad, kolehiyo at iba pang institution of learning.

Katunayan, tatatlo pa lamang ang paaralan – ang University of the Philippines, University of Santo Tomas at ang Ateneo de Manila University –na nagpatupad ng August school opening. Isipin na libu-libo ang mga paaralan sa buong Pilipinas na hanggang ngayon ay nanatili pa ring Hunyo ang pagsisimula ng mga klase.

Ang dapat atupagin ngayon ng gobyerno, sa pamamagitan ng Department of Education at Commission on Higher Education, ay pagpapataas ng kalidad ng edukasyon at hindi ang pagbabago ng school opening. (Celo Lagmay)