NASAPOL ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ng martilyo ang pako sa ulo nang ianunsiyo niyang magkakaloob siya ng P2 milyong pabuya sa bawat ulo ng mga “ninja cop” na patuloy pa ring nakikisawsaw sa ilegal na droga kahit na nasa serbisyo pa.

Naniniwala akong hindi magtatagal ay maglalaglagan ang mga magkakasabwat sa ilegal na gawain sa laki ng pabuya na ipinangako ni PRRD sa kahit anong impormasyong magiging dahilan para mahuli, kundi man mapatay, sa engkuwentro ang mga ito.

Saksi ako sa pagiging epektibo ng “reward money” sa ikahuhuli ng pangunahing suspek sa isang kaso at ikalulutas agad nito. Sa tagal ko bilang police reporter at napa-istambay sa mga presinto at nakasama sa mga operasyon ng mga pulis, kailangan talagang bumili ng impormasyon para makakuha ng lead sa tinatrabahong kaso.

At kadalasan, ang mga impormasyong ito ay nanggagaling din sa mga dating kasamahan o mga aktibo pang kasamahan ng suspek sa paggawa ng krimeng tinatrabaho ng mga operatiba.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kusa silang naglilitawan at palihim na lumalapit sa mga ahente ng pamahalaang nag-iimbestiga sa kaso. Naghahanap sila ng linya o tulay na magagamit para maibigay ang impormasyong maglalaglag sa pangunahing suspek ng kaso.

Ang masaya rito, kapag nahuli na ang pangunahing suspek na inilaglag ng kanya ring kasamahan, kakanta na rin ito at ipagtututuro ang kanyang mga kasamahan at kadalasan, yung hindi niya alam na naghudas sa kanya ay mapapangalanan niya rin na isa sa mga kasama niya sa paggawa ng krimen.

Sa bagay na ito, mahalaga rin ang pagtupad sa ipinangakong pabuya para malutas ang kaso. Walang problema sa pagkakataong ito dahil si PRRD mismo ang nangakong siya ang magbibigay ng pabuya sa makapagbibigay ng impormasyon dahil walang dudang makararating ito sa kinauukulan.

Madalas din kasing nangyayari ang “bukulan” sa ganitong trabaho at hindi nakararating sa dapat na tumanggap ng reward ang ipinangakong malaking halaga. Kung nakararating man, malaki ang bawas nito dahil naki-picture sa reward ang mga opisyal at mga miyembro ng operating team na trumabaho sa kaso.

May mga pagkakataon pa ngang kapag sobrang laki ng reward, nasasalisihan ng ibang report ang pagkakalutas sa kaso, at ang lumalabas ay ibang grupo ang nakatrabaho rito kaya’t sa kanila napupunta nang buo ang reward.

Kahit piso ay walang natanggap ang pobreng totoong nagbigay ng impormasyon.

Hindi naman ito makapalag dahil madidisgrasya lamang siya kapag lumutang ang pangalan niya, kaya’t mananahimik na lang ito.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)