martin copy

Napanatili ng San Beda-A Red Lions at Manila Patriotic School Patriots ang malinis na karta sa kani-kanilang division nang biguin ang karibal nitong Linggo sa 14th Fr. Martin Division 2 Cup basketball tournament sa San Beda gymnasium.

Sinandigan ni transferee Clint Doliguez at Van Abatayo ang ratsada ng Red Lions sa krusyal na sandali para pabagsakin ang La Salle Green Archers, 83-77, para sa ikatlong sunod na panalo sa senior division.

Naisalpak naman ni Russell Aniban ang lay-up sa buzzer para akayin ang Patriots kontra Hope Christian High School sa come-from-behind, 73-70, panalo sa junior section.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Hataw si Jeremer Cabanag sa naiskor na game-high 27 puntos para sa Red Lions, nanatiling nangunguna sa Group B, habang bumagsak ang Green Archers sa 1-2.

Nagtumpok si Aniban ng 19 puntos, tampok ang lay-up at split charity sa huling 2.3 segundo para maisalba ang laban ng Patriots.

Sa iba pang laro, nagwagi ang Far Eastern University sa Letran-A, 85-75, para sa ikalawang panalo sa apat na laro sa Group B senior action, habang namayani ang Mary the Queen College-Pampanga sa Colegio San Agustin-Binan, 91-47.

Sa high school games, namayagpag ang National University sa Adamson, 91-49, at pinulbos ng Letran ang CSA-Binan, 91-58, at ginapi ng Arellano ang San Benildo, 94-89.

Ang mangungunang apat na koponan matapos ang elimination ay makakausad sa quarterfinals ng torneo na itinataguyod ng Vinas Optical.