Bumalikwas sa kabiguan ang Pilipinas Under 18 baseball squad at itinuon ang atensiyon sa nakasagupang Thailand tungo sa impresibong , 13-4, panalo 11th Baseball Federation of Asia (BFA) Under-18 Baseball Championship Miyerkules ng gabi sa Taichung Ballpark sa Taichung, Taiwan.

Pumalo ang mga Pinoy batters ng dalawang run sa pitong inning at nagpasabog ng anim sa ikawalo upang ilayo ang mahigpitang iskor na 5-4 tungo sa pagsungkit sa una nitong panalo sa dalawang laro sa Group B.

Umahon ang Phl IX sa nalasap nitong 0-14 kabiguan kontra powerhouse Korea sa unang laro nitong Martes.

Pinamunuan ni pitcher Clairon Santos ang panalo para sa mga batang Pinoy batters sa pagbibigay lamang ng dalawang run sa pagpukol nito sa loob ng anim na inning.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Humataw naman si Fausto Eizmendi, ang MVP ng Southeast Asian Youth Baseball and Softball Tournament, nang apat na RBIs sa kanyang 3-for-5 na pagtuntong sa plate para pamunuan ang opensiba ng koponan.

Nagpapasok din sina Diniel Bautista at Benjamin Sarmiento III ng dalawang runners para sa koponan na suportado ng Greenlight LED Energy Solutions, Inc., Manila Mayor Joseph Estrada, Grace Gamboa-Palaganas, at Nueva Ecija Mayor Mary Abad.

Sunod na makakasagupa ng Pilipinas ang China.

Sa iba pang laro sa Group B ay nagwagi ang Korea kontra China, 3-1, para sa solong liderato na 2-0 karta.

Nahulog ang China sa ikalawa kasalo ang Pilipinas sa 1-1 karta. (Angie Oredo)