Dinurog ng Philippine football team ang Northern Mariana Islands, 13-0, upang itala ang ikalawang sunod na panalo at hawakan ang solong liderato sa Group B ng AFC U-16 Women’s Championship Qualifiers Martes ng gabi sa Weifang, China.

Pinaulanan ng Pinay nang magkakasunod na goal ang karibal, tampok ang tatlong iskor ni Teejanee Isulat sa ika-13, ika-32 at ika-63 minuto ng laro. Naunang umiskor si Denise Graellos ng dalawang goal sa unang limang minuto ng laro na nagsilbing mitsa para sumambulat ang opensa ng Nationals.

Sumunod na umiskor sina Caitlin Levasseur (6’), Maeva Collatos (18’), Hannah Villasin (33’), Glynnes dela Cruz (43’), ang kakambal ni Graellos na si Danezza (47’), Isabella Mahoney (54’), Stacey Ann Arthur (80’) at Regine Rebosura (84’).

Nalasap ng Mariana Islands ang kanilang ikalawang sunod na kabiguan.

Another gold! Hidilyn Diaz, isa nang guro sa UP Diliman

Bitbit ngayon ng Pinay ang kabuuang anim na puntos kasama ang +15 goal difference para sa top spot sa grupo sa unahan ng Korea na may tatlong puntos matapos na manalo sa 13-0 wipeout sa Malaysia sa kabilang grupo.

Sunod na makakatapat ng Pinay booters ang Koreans sa Setyembre 3. (Angie Oredo)