Ipinagpaliban ng Sandiganbayan ang arraignment kahapon ni dating Philippine National Police (PNP)- Firearms and Explosives Office (FEO) chief, Chief Supt. Raul Petrasanta at tatlo pang opisyal kaugnay ng kinakaharap nilang kasong graft dahil sa umano’y maanomalyang courier service contract noong 2011.
Ito ay matapos payagan ng 6th Division ng anti-graft court ang mosyon nina Petrasanta, dating FEO Firearms and Licensing Division (FLD) chief Eduardo Acierto, dating FEO Inspection and Enforcement (I&E) Section chief Nelson Bautista at dating I&E assistant chief Ricardo Zapata Jr., na kanselahin muna ang nakatakdang pagbasa ng kanilang sakdal kahapon dahil nasa ibang bansa pa ang kanilang abogado na si Maria Nympha Mandagan.
Kaagad namang itinakda sa Setyembre ang arraignment ng mga akusado.
Sina Petrasanta, Acierto, Bautista at Zapata ay inakusahang lumabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) dahil sa pinasok nilang kontrata sa Werfast Documentation Agency Inc. (Werfast) para sa pagdi-deliver ng lisensya ng mga baril ng mga aplikante noong 2011.
Ayon sa Ombudsman, walang naganap na public bidding bago i-award ang kontrata sa nasabing pribadong kumpanya.
(Rommel P. Tabbad)