PUMANAW ang komedyanteng si Gene Wilder sa edad na 83 sa komplikasyon ng Alzheimer’s disease, inihayag ng kanyang pamilya noong Huwebes. Ngunit paano nga ba namamatay ang tao sa sakit na Alzheimer’s?
Bagamat nakakapagpaikli ng buhay ang Alzheimer’s, hindi ito ang direktang dahilan ng kamatayan ng tao, ayon sa Alzheimer’s Society, charity sa United Kingdom na tumutulong sa mga taong may dementia. Bagkus, namamatay ang mga tao sanhi ng komplikasyon sa sakit, tulad ng impeksiyon o blood clots.
Progresibong sakit sa utak ang Alzheimer’s, na may kinalaman sa pagtungo at pagdami sa utak ng mga abnormal protein.
Pinakakilala ang sakit sa pagkawala ng memorya ng isang tao, pero mayroon din itong epekto sa katawan, at maaari ring makaapekto sa kakayahan ng tao na maglakad at kumain. Walang pang lunas sa nasabing sakit.
Maaaring makaranas ng kahirapan sa pagnguya ang mga pasyente na may Alzheimer’s, at maaari nilang masinghot ang kanilang kinakain, na maaaring magdulot ng aspiration pneumonia, ani Dr. Marc L. Gordon, chief of neurology sa Zucker Hillside Hospital sa Queens, New York, na hindi kabilang sa pangangalaga kay Wilder, sa interview ng Live Science noong 2014. Nakatala ang pneumonia na isa sa mga dahilan ng kamatayan ng mga pasyenteng may dementia, ayon sa Alzheimer’s Society.
Maaari ring maging bedridden ang mga pasyente na may Alzheimer’s, na humahantong sa mas mataas na panganib sa pagkamatay dulot ng blood clots, ani Gordon.
Ang weight loss at iba pang komplikasyon ng Alzheimer’s ay maaari ring magdulot ng mahinang immune system, saad ng Alzheimer’s Society. Dinaragdagan nito ang posibilidad na mas mabilis makapitan ng mga impeksiyon ang tao, ayon sa National Institute on Aging.
Nangyayari ang epekto sa katawan sa advanced stage ng sakit, na tumatagal na 1.5 hanggang dalawang taon, sa karaniwan, ayon sa NH.
Ikaanim sa nangungunang sakit ang Alzheimer’s bilang sanhi ng kamatayan sa United States, ayon sa Centers for Disease Control and Prevention. Noong 2013, halos 85,000 katao sa United States ang pumanaw sanhi ng sakit, ani CDC.
Gayunman, maaaring ipagsawalang-bahala ang kamatayan na dulot ng Alzheimer’s, dahil madalas na ang nakasaad sa mga death certificate ay pneumonia o iba pang kompliksyon, kaysa Alzheimer’s, ayon sa pag-aaral noong 2014. Tinaya ng pag-aaral na umaabot sa 500,000 katao sa United States ang pumanaw dahil sa Alzheimer’s noong 2010. (LiveScience)