Umapela ang mga kawani ng National Food Authority (NFA) na huwag isama ang ahensya sa mga bubuwagin ng pamahalaan.
Ito ang sinabi ni NFA Acting Administrator Tomas Escares sa binabalak na hakbang ni Agriculture Secretary Emmanuel “Manny” Piñol matapos madiskubre na nalulugi ang ahensiya at walang naipapasok na kita sa gobyerno.
Ayon kay Escares, bahagya nang nakakabangon ang NFA hanggang nitong Agosto 16, mula sa pagkalugi ng P165 bilyon ay naibaba na ito sa P158.9 bilyon.
Idiniin ni Escares na ang NFA ang pangunahing ahensya na nagbibigay ng murang bigas sa taumbayan kaya’t hindi ito dapat buwagin ng gobyerno lalo pa’t ang mandato nito ay makatulong sa publiko at hindi para kumita.
Ang NFA ang pangunahing kalaban ng pribadong rice millers at rice dealers dahil binibili nila sa mataas na presyo ang palay ng mga magsasaka at nagbebenta naman ng murang bigas sa publiko. (Jun Fabon)