IPINANGAKO ni Pangulong Duterte na sa loob ng ilang araw ay lulupigin niya ang Abu Sayyaf. Nang lusubin ng mga sundalo ang Abu Sayyaf sa Sulu, 30 miyembro ng Abu Sayyaf ang nasawi. Sampu naman sa mga sundalo ang sugatan. Pero, sa Patikul, Sulu, 15 sundalo ang napatay. Nagsilikas ang 50 pamilya sa lugar ng bakbakan sa takot na sila ay madamay.

Samantala, sa walang humpay na kampanya ni Pangulong Digong laban sa krimen at ilegal na droga, walang araw na lumilipas na walang napapatay. Mahigit 900 na ang naiulat na napatay na sangkot umano sa ilegal na droga. May mga pulis na napapatay na rin.

Ganito kadugo ang bansa noon sa ilalim ni dating Pangulong Marcos. Bilang diktador, pinatakbo niya ang gobyerno sa dulo ng baril sa hangarin niyang maging mapayapa ang bansa. Ang ginagawa ni Pangulong Duterte sa Sulu laban sa Abu Sayyaf ay ginawa rin ni dating Pangulong Marcos.

Naging larangan ng digmaan ang Mindanao nang lutasin niya ang kaguluhan dito gamit ang lakas. Naghasik siya ng takot sa mamamayan tulad ng ginagawa ni Pangulong Duterte sa mga sangkot sa droga. Pinatay, pagkatapos niyang ideklara ang martial law, sa pamamagitan ng firing squad ang pinakamalaking drug lord sa bansa.

Pero, ang takot na itinanim niya sa mamamayan ay hindi rin gaanong nagtagal. Kasi, naghirap at nagutom sila.

Ang taong kumakalam ang sikmura ay walang nang kinatatakutan dahil ayaw nilang mamatay na nakadilat at walang laban.

Ang madugong kampanya ni Pangulong Duterte laban sa krimen at ilegal na droga at nangyayari ngayon sa ekonomiyang minana niya sa mga nauna sa kanya.

Ito iyong ekonomiyang nagpadagsa ng mga pamilyang nakatira sa gilid ng estero at ilalim ng tulay. Mga pamilyang nakatira sa musuleo ng patay sa sementeryo at barung-barong gawa sa mga napulot na putul-putol na kahoy, sira at kinakalawang na yero.

Mga nakatira sa mga sirang sasakyang inabandona sa gilid ng kalye. Ito rin iyong uri ng ekonomiyang nagparami ng mga OFW na nangibang bansa upang doon magtrabaho. Kahit sila ay nasa mga bansang nagdidigmaan at nalalagay ang kanilang buhay sa bingit ng kamatayan ay ayaw pa rin nilang umuwi. Isinusugal nila ang kanilang buhay para mabuhay tulad ng mga OFW na nagpapasok ng droga sa ibang bansa na krimeng pinaparusahan ng bitay.

Ayaw mo silang magdroga, pero saan mo ngayon dadalhin ang mga itong ginutom at pinahirapan ng ekonomiyang peke ang ibinibigay na kaunlaran? Mapulbos mo man ang Abu Sayyaf, may papalit din dito na higit na malupit at mabagsik. Matuto tayo sa nakaraan na ang kapayapaan sa dulo ng baril ay pansamantala lamang. (Ric Valmonte)