Nabigong makapag-uwi ng gintong medalya ang isa sa apat na pambato ng Pilipinas sa 16th Sub-Junior & 34th Junior World Powerlifting Championships 2016 sa Congress and Recreation Center sa Szczyrk City, Poland.
Nakuntento lang sa tiglimang pilak at tanso ang delegasyon sa anim na araw na torneo na nilahukan ng 30 bansa.
Nanguna si Joan Masangkay sa atake ng Pinoy sa nakamit na apat na pilak, tampok ang pagtibag ng tatlong Asian record.
Pumangalawa ito sa girl’s 43-kilogram sub-junior division na may binuhat na 115-kg. sa squat, 55kg sa bench press, 112.5kg sa deadlift at sa 282.5kg total.
Dikit si Masangkay sa squat sa laban kay gold medalist Janet Bacerril ng United States at pati sa deadlift sa 55-60kg. pero nakalayo ang Amerikana nang maka-132.5kg sa bench press.
Nabura naman ni Rowella Abrea ang Asian mark sa nakopong silver medal sa girl’s 47kg sub-junior division deadlift sa 127.5kg at bronze sa bench press sa 127.5kg.
Sumikwat si Regie Ramirez ng tatlong tanso sa boy’s 59kg junior division sa bench press, deadlift, at total, at naka bronze si Jasmin Martin sa girl’s 47kg sa bench press sa 67.5kg.