Ang pagtanggi umano ng dating kinakasama na makipagbalikan ang posibleng dahilan kung bakit naglaslas at nagbigti ang isang truck helper sa loob ng kanyang inuupahan sa Tondo, Manila kahapon.

Sa pamamagitan ng kanyang dugo, bumuo ng suicide note si Edmark Vicente, 23, ng 1622 Felix de Leon Street, Tondo, Manila, para sa kanyang dating kinakasama na si Jean Gadon.

Ayon kay SPO2 Jonathan Bautista, imbestigador ng Manila Police District (MPD)- Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 7:00 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ni Vicente.

“I love you to all loving me and I’m sorry, I’m give up myself,” nakasaad sa pader, habang nakasulat naman sa isa pang suicide note ang, “Ang kirot dapat mefenamic ang inumin, Jean Gadon. Paalam na. Ingat ka na lang palagi. Super mahal kita. Sana tumagal kayo ng bago mo. Nagmamahal, asawa ko”.

Mga armas ni Atong Ang, patatanggalan na rin ng lisensya—PNP

Sa impormasyong nakalap ni Bautista, nabatid na mahigit isang taong nagsama ang biktima at kinakasama nito.

Napag-alaman na noong Agosto 16 ay pinuntahan ng biktima ang kinakasama para suyuin at yayain na muli silang magsama ngunit tumanggi ang huli.

Simula noon ay naging malungkutin na umano ang biktima at palaging nagkukulong sa kanyang kuwarto hanggang sa tuluyan na nitong wakasan ang sariling buhay. (MARY ANN SANTIAGO)